Tuloy ang pagbuhos ng suporta ng education sector para kay VP Leni Robredo. Ito ay matapos maglabas ng pahayag ng suporta kina VP Leni Robredo at Senador Kiko Pangilinan ang mahigit 100 lider ng pinakamalaking mga paaralan, kolehiyo, at unibersidad sa bansa. Buhat noong Marso 3, 2022, nagsunud-sunod na ang paglabas ng suporta galing sa mga lider ng mga paaralan, mga guro, mag-aaral, at alumni.
Kabilang sa mga nagpahayag ng suporta ang labing-isang dating mga kalihim ng mga kagawarang pang-edukasyon: mga dating DepEd Secretaries na sina Edilberto de Jesus, Florencio Abad, Fe Hidalgo, Jesli Lapus, Mona Valisno, at Br. Armin Luistro, ang dating mga CHED Chairpersons na sina Fr. Rolando V. de la Rosa, OP, Dr. Ester Garcia, Dr. Angel Alcala, at Dr. Patricia Licuanan. Mula TESDA naman ay ang dating Director General na si Edicio dela Torre. Kamakailan lamang ay nagpahayag na rin ng suporta ang dating mga opisyal, empleyado at mga guro ng DepEd.
Mula sa hanay ng mga pribadong pamantasan, nagsama-sama ang University-Belt sa Maynila sa pagpapahayag ng kanilang tiwala at suporta sa liderato ni VP Leni Robredo. Kasama sa grupo sina Fr. Henry H. Santiago, OAR, Presidente ng San Sebastian College-Recoletos, Fr. Marcelo V. Manimtim, C.M., Presidente ng Adamson University, Fr. Gregorio Bañaga, Jr., CM, dating Presidente ng Adamson University at ng Catholic Educational Association of the Philippines (CEAP), at Dr. Elizabeth Quirino-Lahoz, Presidente ng Technological Institute of the Philippines (TIP) Manila.
Sa Baguio naman, pumirma rin ang mga lider ng tatlong pinakamalalaking pamantasan bilang pagpapakita ng solid na suporta sa tambalang Robredo-Pangilinan: sina Fr. Gilbert Sales, CICM, Presidente ng Saint Louis University, Javier Herminio D. Bautista, Presidente ng University of Baguio, at Ray Dean Salvosa, Chairman ng University of the Cordilleras.
Di rin nagpahuli ang mga lider mula sa Unibersidad ng Pilipinas, tulad nina Jose Dalisay Jr., PhD at Maria Serena I. Diokno, Ph.D., na dating mga pangalawang pangulo ng UP. Kasama nila ang dating mga UP Chancellor na sina Michael L. Tan ng UP Diliman, Rex Victor Cruz ng UP Los Banos, Priscilla S. Macansantos ng UP Baguio, Dionisia A. Rola, Ida M.L. Sina Siason at Minda Formacion ng UP Visayas, Liza D. Corro ng UP Cebu, at Grace Javier Alfonso ng UP Open University (UPOU).
Sa kanilang Pahayag ng Pagsuporta, pinaliwanag ng gurpo na napili nila si Robredo dahil sa ipinakita niyang “panunungkulan bilang Pangalawang Pangulo at lalo na sa panahon ng pandemya ng COVID 19”. Kung saan, ang “kaniyang tatak sa pamumuno ay nagliliwanag sa mga oras ng pangangailangan o krisis — siya ang nakahanap ng solusyong nakabatay sa konteksto, batay sa datos, nakatuon sa pagkakapantay-pantay at pagiging makatao.”
Dagdag ni Fr. Karel San Juan, SJ, Presidente ng Ateneo de Zamboanga University: “Si VP Leni ay ating modelo: tapat, matalino, marangal, masipag, nag-aalay ng sarili para sa Diyos at bayan. Alam niya kung paano ayusin ang ating education system, at ang buong bansa. Siya ang ating Education President, wala nang iba!”
Sa loob ng nakaraang buwan lamang, halos sampung-libong mga mag-aaral, guro, kawani, at alumni na ang nagpahayag ng kanilang suporta kay Robredo. Kabilang dito ang De La Salle Philippines, Ateneo de Manila University, Unibersidad ng Santo Tomas, Unibersidad ng Pilipinas Los Banos, Unibersidad ng San Beda, Silliman University, University of the Assumption, Centro Escolar University – Malolos, Holy Spirit School of Tagbilaran, Marist School Marikina, Philippine Science High School System, Holy Angel University, PHINMA Education, University of San Agustin, Xavier School, at Ateneo de Iloilo – Santa Maria Catholic School.